Ang pagbubukas ng klase ngayong Taong Panuruan 2022-2023 ang isa sa mga pinakaaabangan at pinaghahandaan hindi lamang ng Kagawaran ng Edukasyon kundi ng buong komunidad.

Inaasahan na kasi ang muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa mas pinalawak ng face-to-face classes.

Kaya naman itinodo na rin ng Schools Division of Sarangani ang paghahanda.

Nitong Hulyo inilabas ng pamunuan ng SDO Sarangani ng Division Memorandum 217 s of 2022 o Orientation on DepEd Order 34 series of 2022 and Presentation of School Readiness for School Year 2022-2023.
Inilatag ng mga mga punong guro sa mga Education Program Supervisor at District Supervisor ang kanilang mga paghahanda at mga gawain tungkol sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto.

Nagbigay naman ng technical assistance ang Dibisyon ng Sarangani sa mga punong guro tungkol sa pagsunod sa mga panuntunang nakasaad sa DepEd Order 34 tungkol sa School Calendar at DepEd Order 35 na tungkol naman sa Enrollment Procedures.

Kabi-kabila ang mga pamamaraang isinagawa ng mga paaralan upang mahikayat ang mga magulang na ipalista ang kanilang mga anak para sa taong panuruan 2022-2023.
May mga motorcade at home and community visitation kung saan mas inilapit ng mga guro sa mga magulang at buong komunidad ang kampanya sa pagpapalista.

Naging aktibo rin ang social media sa pagpapaskil ng mga paaralan ng mga anunsiyo at iba pang impormasyon tungkol sa pagbubukas ng klase.

Mayroon ding gumamit ng mga drop box sa mga malalayong sityo upang hindi na kailangan pang pumunta ng mga magulang sa paaralan.

May mga paaralan ding dinagsa ng mga magulang na magpapalista ng kanilang mga anak, habang sinisiguro pa rin ng mga paaralan an nasusunod ang health and safety protocols.

Base sa Beginning of School Year Quick Count, mayroon nang 108, 206 enrolled learners sa buong dibisyon ng Sarangani. 60, 934 dito ay sa Elementary, 33, 309 sa Junior High School, at 13, 963 naman ay sa Senior High School.

Marami-rami pa ang kailangang ma-enroll kaya patuloy pa rin sa iba’t ibang mga pamamaraan ng paghikayat ang mga guro sa lahat ng paaralan sa buong dibisyon.

Kaagapay naman ng mga paaralan ang mga magulang at iba’t ibang stakeholders sa paghahanda ng mga paaralan para maging ligtas at kaaya-aya para sa pagbabalik ng mga mag-aaral.

Aktibo sa Brigada Eskwela ang mga magulang at stakeholders lalong lalo na sa kalinisan, kagandahan, at kaligtasan ng paaralan. May mga nag-donate ng construction at repair materials, mga sanitation supplies, pagkain para mga kabataang kasama sa Brigada Pagbasa, mga babasahin, at iba pa.

Ang Educational Facilities Section ay nakapag-repair din ng classroom upang maging handa sa pagbabalik ng mga mag-aaral.

Patuloy pa rin ang kampanya ng mga paaralan sa pagpapabakuna. May mga paaralan na nagsagawa ng pagbabakuna sa kanilang mga paaralan.

Ang mga guro at iba pang empleyado ng DepEd Sarangani naman ay boluntaryo ring nagpabakuna.

Nahigitan ng Dibisyon ang 70% na Target Herd Immunity. Siyamnapu’t dalawang porsyento ng mga empleyado ay nakatanggap ng first dose, samantalang 87% percent naman o 5, 730 ang nabigyan ng second dose.

Alinsunod naman sa Division Memorandum 222 s of 2022 nagsasagawa ng Learning Sessions on the Facilitation of Psychosocial Support Activities for Learners sa pangunguna ng Disaster Risk Reduction focal person at District Coordinators.

Sa larangan naman ng Curriculum and Instruction, sumasailalim ang mga guro ngayon sa Seminar-Workshop on Content, Pedagogy and Assessment Across All Learning Areas upang mas mapalakas pa ang kakayahan ng mga guro sa paggamit ng mga epektibong estratehiya sa pagtuturo.

Ang mga pagbabagong ipapatupad sa pagbubukas ng taong panuruan 2022-2022 ay isa na namang panibagong hamon para sa pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon, mga guro, magulang, at mga mag-aaral.

Ang pagtutulungan pa rin ng buong komunidad ang sandigan ng Dibisyon ng Sarangani upang maisakatuparan ang Matatag na Kinabukasan para sa Batang Sarangan.

Share this